Our Campaign
SA MASIKHAY NA PAKIKIBAKA, KAMTIN ANG SAMA-SAMANG TAGUMPAY!
Submitted by courage_phil on Sat, 04/25/2009 - 12:37.
MAKIBAKA
PARA SA SAHOD,TRABAHO AT KARAPATAN,
ISULONG
ANG PAMBANSA DEMOKRATIKONG PAGBABAGO!
MATINDING
EPEKTO NG PANDAIGDIGANG KRISIS SA BANSA
Ibayong kahirapan, pagsasamantala at panggigipit para
sa mamamayan ang dala ng krisis. Tanggalan sa trabaho, wage cuts, job rotation,
pinaikling oras ng paggawa, at marami pang ibang paraan pabor sa kapitalista.
Kaliwa’t kanan ang demolisyon at militarisasyon sa mga maralitang komunidad sa
balabal ng “proyektong pangkaunlaran” at pandarahas sa mga manininda sa
bangketa. Bagsak ang piso, mataas ang presyo ng pangunahing produkto at
serbisyo samantalang nakapako ang sahod sa di makabubuhay na antas. Patuloy na
lumiliit ang pondong laan para sa serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon,
kalusugan, pabahay atbp.
Subalit sa halip na ang mamamayan ang tulungan, ang
mga nabangkaroteng mga dayuhan at lokal na kapitalista ang isinasalba ng rehimeng
US-Arroyo. Kagyat na nagbalangkas at nagpatupad ang DOLE ng “flexible work
arrangements” o mga iskemang lalung magpapahirap sa mga manggagawa. Naglaan ang
pamahalaan ng P330 bilyong economic stimulus plan na ginaya sa bail-out plan ng
U.S. ngunit kukunin sa mga pondong pag-aari ng mga manggagawa – SSS, GSIS at
OWWA. Pagbaratilyo sa murang lakas paggawa ng mga Pilipino sa ibang bansa kahit
sa mga lugar na delikado.VFA at joint military exercises kahit na labag sa
soberanya ng bansa.
At ang
pinakagarapal sa lahat, ang tangkang pagpuslit sa panukalang Charter Change o
cha-cha na ang kaibuturan ay term extension para sa isinusukang si Arroyo at
pagbuyangyang pa sa likas-yaman at ekonomya ng bansa para sa mga dayuhan.
INISYAL NA TAGUMPAY NG MALAKAS NA PAGLABAN
NG KAWANI AT MAMAMAYAN
Samantala,
ang tindi ng krisis ay nagiging matabang lupa para sa mas masidhing sama-samang
pagkilos ng mamamayan. Mas nagiging wasto at nararapat ang paghahapag ng mga
kagyat at pangmatagalang kahilingan ng taumbayan. Lalung lumalakas at lumalawak
ang pagtutol at paglaban ng sambayanan sa mga patakarang higit na bubusabos sa
kanilang kalagayan. Sa katunayan, kung anu-anong paraan (con-ass, fourth mode)
ang ginagawa ng mga alipores ni Arroyo para makalusot dahil sa mariing pagtutol
natin sa cha-cha.
Para
sa mga kawani, ang krisis na kalagayan ay nagtutulak upang maggiit at lumaban
sa panggigipit. Muling nabigo ang panibagong tangka ng gobyerno na sibakin sa
trabaho ang mahigit 20,000 mga kawani sa unang kwarto ng taon gamit ang EO 366.
Sa sama-samang pagkilos, maagap na nailantad at nalabanan ang tanggalan.
Nalagay sa depensibong posisyon ang gobyerno dahil sa gitna ng krisis at
kaliwa’t-kanang tanggalan sa pribadong sector sa loob at labas ng bansa ay
magtatanggal ng kawani sa kanyang mismong bakuran. Muli, pansamantalang walang
natanggal at na-delay bagamat di tuwirang ibinasura ang EO 366.
Nitong
huli nagbunga muli ang ating paggigiit sa wastong pagsusuri at paninindigan
kaugnay ng panukalang umento sa ilalim ng SSL 3. Mula sa dating masahol na
Government Compensation Classification Act o GCA hanggang sa Joint House
Resolution No. 24 (Joint Senate Resolution 23 naman sa Senado), kinilalang
matuwid (aminin man nila o hindi) ang panawagan natin para sa P3,000 dagdag sa
minimum pay. Sa katunayan, binago ang panukalang pay scale mula sa orihinal na
panukala. Halimbawa sa SG 1 step 1 o Minimum pay, mula P8,000 ay P9,000 na
ngayon. Halos malapit na sa P3,000 sa minimum pay na iginigiit natin, dahil
nasa P6,149 na ang SG 1 ngayon. Pero syempre, nandyan pa rin ang mga
kontra-kawani na probisyon gaya ng umentong hulugan sa apat na taon;
diskriminasyon sa mga kawani ng mga local government units; mataas na umento
para sa mga opisyal ng gobyerno at pagbalewala sa mga ipinanalong mga
benepisyo, insentibo at mga Magna Carta (social workers, nurses, scientists,
teachers etc.).
Kaya
kailangang palakasin pa natin ang ating tinig at pakilusin ang mas marami mula
sa ating hanay upang marinig at ganap na tagumpay ay makamit!
PANGANGAILANGAN PARA ISULONG ANG PAMBANSA
DEMOKRATIKONG PAGBABAGO
Ang mga kagyat nating kahilingan para sa P125/P3,000
dagdag na sahod at sweldo, pagtatanggol sa trabaho at pangangalaga sa pondo (SSS,
GSIS at OWWA) ng manggagawa at kawani; paglaban sa demolisyon;ibaba ang presyo, alisin ang VAT at dagdagan ang
subsidy sa serbisyong panlipunan ay dapat na kaakibat ng ating puspusang
pakikibaka para sa pangmatagalan at tunay na panlipunang pagbabago.
Sa saligan, bahagi nito ang pagkakamit ng pambansang
industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo bilang sagot sa suliranin ng
ekonomyang atrasado. Ito ang lilikha ng trabaho para sa malawak na mamamayang
Pilipino. Ito ang lilikha ng mas masaganang bukas.
Ngunit dahil hindi papayagan ng isang papet, pasista
at pahirap na rehimen ang pagbibigay kapangyarihan sa mamamayan upang baguhin
ang kanilang kalagayan at wakasan ang sistemang sa kanila ay nagsasamantala, kakailanganing
maitayo ang isang gobyernong demokratiko. Ito ay tunay na kakatawan sa interes
ng iba’t-ibang sektor ng lipunan at magbibigay ng puwang sa kanilang aktibong
paglahok sa lahat ng aspeto ng pagdedesisyon at pamamahala. Samantala, hindi
maaring hindi papanagutin ang rehimeng dumambong sa kaban ng bayan at may
pinakamalalang rekord ng pamamaslang at human rights violations.
Nasa ating mga kawani, sa mamamayan ang tunay na lakas.
Tayo ang muling lilikha sa kasaysayan. Sa ating sama-samang pagkilos ang
tagumpay!
SAGOT SA SSL 3: P3,000 DAGDAG SA MINIMUM PAY, NGAYON
NA!
IBASURA ANG EO 366! MILITANTENG LABANAN ANG TANGGALAN!
PANGALAGAAN ANG PONDO NG MGA MANGGAGAWA AT KAWANI
LABAN SA PANDARAMBONG!
LUPA, SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!
ISULONG ANG PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON AT TUNAY NA
REPORMANG AGRARYO!
MAGKITA-KITA
TAYO SA MAYO UNO, ARAW NG MANGGAGAWA AT KAWANI:
1:00 ng hapon sa UST, Espana, Manila. Martsa patungong
Liwasang Bonifacio, programa at martsa muli patungong US Embassy.
- Login to post comments
- Printer-friendly version
- send to friend