Online Center for Philippine Public Sector Workers
Mga maralita, kawani ng gobyerno nagmartsa laban sa Quezon City Central Business District
Submitted by pubinfodepartment on Mon, 10/27/2008 - 09:15.
Nagmartsa ngayong araw, patungong Quezon City Hall, ang mga residente ng North Triangle, Barangay Palanas, San Isidro, San Roque, Brgy. Central at Veterans Memorial, gayundin ang mga kawani ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang iprotesta ang pagpapatuloy ng planong pagkumbirte sa mahigit 250 ektaryang lupain sa mga lugar ng North at East Triangles at Veterans Memorial sa isang grandiyosong central business district ng siyudad ng Quezon at Malakanyang. Ayon kay Santiago Dasmariñas Jr., tagapagsalita ng Concerned Organizations against Transfer, Layoff, Demolition and Privatization for the Quezon City Central Business District o CONTRA-CBD, na hindi dapat masakripisyo ang panirahan at kabuhayan nang mahigit 122,000 residente nang nabanggit na mga barangay at trabaho at pagkakabuhayan din, ng mga empleyado ng gobyerno para bigyang laya ang kapritso ng mga kapitalista at negosyanteng pulitiko sa gobyerno. Naunang nagpahayag si Mayor Sonny Belmonte na P50 milyon lamang ang nakukuhang buwis ng gobyerno ng Quezon City, mula sa mga establisimyentong nakatirik sa nabanggit na mga lugar, kung kaya dapat na itong paunlarin sa isang sentro ng komersiyo, libangan at panirahan para sa mga dayuhan at lokal na mga residente. Kabilang sa mga negosyanteng naglalaway diumano sa 250.9 ektaryang lupain ng East at North Triangles at Veterans, bukod pa sa mga lupaing kinatitirikan ngayon ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform at iba pang ahensiyang nasa Elliptical Road, sina Lucio Tan, Henry Sy, John Gokongwei Jr., at Jaime Zobel de Ayala. Bukod sa mga ahensiya ng gobyerno, plano ring "pakialaman" at isapribado ang mga ospital ng Heart Center, Lung Center, at National Kidney para naman sa medical tourism. "Sakripisyo naman ito sa serbisyong pangkalusugan para sa maralita at mga mamamayan," sabi ni Dasmariñas. Ani Dasmariñas, hindi makatarungan na tatanggalan ng kabuhayan at panirahan ang mga maralita at kawani ng gobyerno para lamang sa tubo ng iilan. Patuloy na magsasagawa ng mga pagkilos ang mga maralita at kawani ng gobyerno upang kontrahin ang proyektong ito, aniya pa. (Press Release, Tagalog/Filipino; October 27)