Our Campaign
MGA KAWANI NG PAMAHALAAN MAGSASAGAWA NG MALAKING KILOS-PROTESTA
Submitted by courage_phil on Tue, 02/16/2010 - 06:37.
Nakatakdang
magsagawa ng malaking kilos-protesta sa darating na Pebrero 18 ang mga kawani
ng gobyerno para isulong ang kanilang agenda. Ilan lamang sa mga igigiit ng mga
kawaning magmamartsa mula UST patungong Malakanyang ay ang kaseguruhan sa trabaho,
full implementation ng mga umento sa ilalim ng Salary Standardization Law 3
ngayong taon at mainam na benepisyo at serbisyo mula sa GSIS.
Ayon
sa pambansang pangulo ng grupong COURAGE na si Ferdinand Gaite, hindi
maisasakatuparan ang agenda ng mga kawani kung patuloy na mananatili sa pwesto
si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo lagpas sa kanyang termino. “Kasabay ng aming pagkilos
para sa aming mga kahilingan ay ang aming panawagan na tuluyan nang wakasan at
papanagutin ang Rehiming Arroyo,” ani Gaite.
Hinahamon
din ng lider ang mga tatakbong pangulo para sa darating na halalang 2010 na
magbigay ng kanilang kongkretong tindig sa kung ano ang kanilang gagawin kapag
sila’y naluklok sa pwesto para mapanagot si Arroyo sa kanyang maraming
kasalanan sa taumbayan. Nais din nilang maghapag ang mga kandidato ng
depenidong programa na magsusulong sa interes at kagalingan ng mga kawani. “Sa
mahabang panahon, lagi na lang naisasantabi ng mga lider ng ating pamahalaan
ang interes ng mga kawani. Ang tanong namin ngayon ay kung sino ba sa mga
tatakbo ang magbibitbit ng interes ng mahigit 1.4 milyong kawani,” banggit ni
Gaite.
Binatikos
din ng militanteng grupo ang patuloy na pananahimik ng Malakanyang hinggil sa
kaso ng Morong 43 na di umano’y iligal na inaresto at tinorture habang nakapiit
sa Camp Capinpin. Malinaw din daw sa insidenteng ito na gustong siraan ng
gobyernong Arroyo ang mga progresibong grupo na lalahok sa eleksyong 2010.
“Ni-report ng AFP na may mga natagpuan silang mga poster ng Bayan Muna
Partylist noong ni-reyd nila ang resort ni Dr. Velmonte kung saan naaresto ang
Morong 43. Lumang taktika na ito ng military at ng administrasyong Arroyo. Kung
maaala natin noong papalapit na ang eleksyong 2007, biglang sinampahan ng mga
gawa-gawang kaso ng gobyerno sina. Rep. Satur Ocampo, Rep. Liza Maza at iba pa
niyang kasamahan. Sa halip na bumaba ang rating ng mga progresibong partylist,
lalong tumaas dahil namulat ang taumbayan sa ginagawang pandarahas ng gobyerno.
Ngayong tatakbo sina Maza at Ocampo bilang senador sa ilalim ng Koalisyong
Makabayan, asahan na natin na mas paiigtingin ng gobyerno ang panunupil sa mga
progresibong indibidwal at partylist,” dagdag ni Gaite.
Ang
pambansang kilos-protesta ay nakatakda ring isagawa ng mga kawani sa mga
sentrong-lungsod sa Iloilo, Bacolod, Bicol, Cagayan de Oro at Davao sa
iba’t-ibang porma. Bibitbitin din ng mag militanteng kawani sa kanilang
darating na pagkilos ang panawagan sa kagyat na pagpapalaya sa Morong 43. #
- Login to post comments
- Printer-friendly version
- send to friend