Our Campaign
BIGAS para sa BAYAN!
Submitted by courage_phil on Thu, 08/19/2010 - 12:43.
Lumalangoy
daw ang bansa sa bigas ngayon ayon sa bagong NFA Administrator Lito Banayo,
matapos madiskubring umangkat ng sobra- sobrang bigas ang korap na gobyernong
Arroyo. Sa katunayan, maraming bigas ang
nabubulok sa mga imbakan. Subalit sa
kabila ng sobrang suplay ng bigas, bakit napakaraming Pilipino ang nagugutom sa
araw-araw?
KABAN-
KABANG KORAPSYON
Sagad
sa buto ang pagkaganid ng rehimeng Arroyo.
Sobra-sobra na nga ang inaangkat natin ay overpriced pa ito. Noong
nakaraang taon, umangkat ng 2.3 milyong metrong tonelada (MMT) ang National
Food Authority (NFA), sa kabuuang halagang $1.5-Bilyon. Pagpasok ng Enero 2010, muli itong umangkat ng
1.5 MMT mula Vietnam Southern Food Corp.
Binili
ng NFA sa halagang $550 kada MT ang bigas pero ang presyo nito sa pandaigdigang
pamilihan ay papatak lamang ng $330-460 lamang.
Umabot ng P5.7 hanggang P13.1 Bilyon ang kickback mula sa nasabing
transaksyon ng matataas na opisyal ng NFA at DA na malapit kay Arroyo.
Malinaw
ang dahilan ng sobrang pag-angkat ng bigas.
Ang ginawang sobrang importasyon ng bigas ng gobyernong Arroyo ay walang
layuning busugin ang kumakalam na sikmura ni Juan de la Cruz kundi busugin ang
bulsa nito at mga kaalyado. Bahagi ng mga midnight deals ni Arroyo ang sobra-sobrang
inangkat na bigas at timing din sa panahon ng eleksyon.
KABAN- KABANG KRISIS AT
KAHIRAPAN
Batayang
karapatan ng mamamayan ang pagkakaroon ng makakain. Ang bigas bilang panguhaing
pagkain ay dapat na tinitiyak ng gobyerno ang mura at sapat na suplay nito.
Ngunit ano ang aasahan natin sa gobyernong sa halip na magpatupad ng tunay na
reporma sa lupa ay malawakang pangangamkam at kumbersyon ng lupa ang
ipinatutupad.
Sa
halip na paunlarin ang kakayahan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng suportang
serbisyo sa agrikultura (murang binhi, pataba, kagamitan, irigasyon, farm to
market roads atbp.) ay kinukurakot ang perang inilalaan para dito (fertilizer
scam, irrigation scam).
HAMON KAY P’NOY: IBASURA
ANG LIBERALISASYON, PRIBATISASYON, DEREGULASYON
Ang
labis na pag-angkat ng bigas ay sinusuhayan ng polisiya ng liberalisasyon. Dahil sa patakarang ito, pagbili ng bigas sa
ibang bansa ang nagiging direksyon ng gobyerno sa halip na suportahan ang lokal
na produksyon ng bigas. Umaangkat tayo ng sobra-sobra batay sa idinidikta sa atin ng mga
kapitalistang bansa at sa presyong kanilang itinatakda dahil sa mga kasunduang
gaya ng GATT at WTO.
Kung
tutuusin, kayang anihin ng Pilipinas ang 2.4 MMT ng bigas na inangkat noong
nakaraang taon. Isang milyong ektraya lamang ang kailangan para makaani ng
ganito kadami, samantalang apat na milyong ektarya ang mga palayan sa bansa. Nababaon
ang bansa sa pag-asa sa labas sa halip na paunlarin ang balangkas ng
pagsasarili-sa-pagkain. Nananatiling atrasado sa kalakhan ang agrikultura ng
bansa, na binibigyan lamang ng halos 2% ng pambansang badyet taun-taon.
Dahil
din sa patakarang deregulasyon ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas na
dapat sanang epektibong kinokontrol ng gobyerno.
Pagsasapribado
ng NFA ang solusyon ng gobyerno dahil malaki na daw ang lugi sa pagsusubsidyo
ng pondo sa ahensya. Kapag nangyari ito ay wala nang makahahadlang pa sa mga
ganid na kartel sa bigas. Samantalang
ang mga tiwaling opisyal na gaya ni Arroyo ay nananatili, libu-libong mga kawani
naman ang mawawalan ng trabaho kung maisasakatuparan ang pagsubasta sa NFA.
Batay sa ating karanasana sa naunang pribatisasyon ng tubig at kuryente, di
ba’t lalong nahirapan ang mamamayan habang nagpapasasa ang mga pribadong
negosyo at iilang burukrata.
Hamon natin kay
Pangulong Aquino:
Ibasura ang liberalisasyon,
pribatisasyon at deregulasyon!
Ipatupad ang tunay
na reporma sa lupa!
Papanagutin si
Gloria Macapagal Arroyo at mga opisyal ng NFA at DA!
Mura at sapat na
bigas para sa mamamayan, ipaglaban!
- Login to post comments
- Printer-friendly version
- send to friend