(Pagsusuri at pahayag ng COURAGE, Disyembre 19, 2011)
Paninindigan ng kawani
at mamamayan ang pagkakamit ng katarungan.
Malaon nang ipinaglalaban ang pagpapanagot at
pagpaparusa kay Gloria Macapagal-Arroyo sa matinding krimen niya sa taumbayan
lalu na ang pandarambong at pamamaslang. Karugtong pa ito ng kilusang
pagpapatalsik kay GMA na ginawang pangako at labis na pinakinabanagan ni Aquino
upang makaupo sa Malakanyang.
Halos isa’t kalahating taon na ang administrasyong
Aquino subalit nanatiling patumpik-tumpik ang aksyon sa pagpaparusa kay Arroyo
at kanyang mga kasapakat. Ang totoo ay sinikap ni Aquino na sundin ang naging
kasundan para sa akomodasyon ni Arroyo kapalit ng “maayos” na paglipat ng
kapangyarihan noong eleksyong 2010. Ang pag-aatubili subalit pagpustura ni
Aquino ay patunay sa matagal nang kompromiso at disumuladong special treatment
sa mga Arroyo alinsunod sa dikta ng US. Kailangan ng US ang “mapayapang
transisyon “ sa rigodon sa poder ng kanyang mga tuta. Ito ay naaayon sa kanyang interes sa
bansa.
Subalit galit na ang mamamayan at ipinakita ito sa
unti-unting pagbaba ng “popularity ratings” dahil inutil si Aquino para bigyan
ng lunas ang papasahol na kalagayan ng bansa. Ang kahirapan, kawalan ng
trabaho, di makabuhay na sahod, walang bahay at kulang na serbisyo.
Ang
pangambang sumambulat na ang galit na ito kung makakatakas pa si Arroyo palabas
ng bansa kasama ang kanyang pamilya ang nagtulak kay Aquino na magkumahog na pumusturang
seryoso sa paghahabol kay Arroyo. Kaya
nga bigla muling umangat siya sa mga “survey”.
Ang pagsambulat
ng Balitaktakang Aquino-Corona sa Impeachment
Mula sa papalalang pambabatikos ay pinaigting ni
Aquino ang pagkastigo kay Corona sa pamamagitan ng pag-impeach dito ng Mababang
Kapulungan. Hindi na sumapat ang kawalang bahid ng pagiging “Statesman” at
halos pagwawala sa pananalita ni Aquino laban kay Corona.
Nagamit ni Aquino ang rekord ng mga katungkulan ni
Corona upang ipakita ang malapit na ugnayan ng Chief Justice sa dating Pangulong
Arroyo. Gayun din ang ilang pasya ng Korte Suprema na pumapabor sa pamilyang
Arroyo lalu na ang pinakahuling pasya sa pagbigay ng Temporary Restraining
Order (TRO) kay Arroyo. Naging malaki ang pangamba ng mamamayan na ang TRO ay
pagkakataon upang makatakas papuntang ibang bansa ang mga Arroyo. Kaya ano mang
hakbang na makakapigil dito ay papanigan ng mayoryang namumuhi sa nakaraang
pangkatin ni GMA.
KUNG KAYA MAY
KAGYAT NA PANGANGAILANGAN ANG PAG-ALIS KAY CORONA KAUGNAY NG PAG-UUSIG KAY
ARROYO, SUBALIT HINDI ITO MAPAGPASYA. Kung seryoso si Aquino na usigin si Arroyo,
matagal nang dapat kinasuhan si Arroyo sa mas mabibigat na krimen ng
pandarambong sa kaban ng bayan, extra-judicial killings at malubhang paglabag
sa karapatan, at pandaraya nuong 2004 Presidential Elections (Hello Garci).
Hindi ang mas mahinang kasong 2007 electoral sabotage na tinatayang
mapapawalang bisa. Bukas pa ang pintuaan
ng kompromiso ni Aquino para kay Gloria at tanging ang pananatiling mapagbantay
ng mamamayan lamang ang mapagpasya upang makamit ang katarungan laban sa buong
pangkat ni Arroyo!
Sinabi ni Corona na lalabanan nya ang impeachment
upang pigilan si Aquino na makontrol ang Korte Suprema. Tutuo na parating
sinisikap ng bawat Pangulo na ang Korte Suprema ay nagsisilbi sa Malakanyang sa
pamamagitan ng kani-kanilang appointees.
Ito ang layunin ni Arroyo nang ihabol niya ang pagtalaga kay Corona noong halos
patapos na ang kanyang termino kaya tinawag na midnight appointee si Corona.
Itinatanghal ni Corona ang sarili bilang
“tagapangalaga” ng demokrasya at tinawag na diktadura ang administrasyong
Aquino na labis na ikinagalit ni Aquino. Nais ni Aquino na panatilihin na may
moral claim siya ng paglaban sa diktadurya dahil sa kanyang mga magulang. Isa
na namang nasindihang isyu sa labanan.
Ang impeachment kay Corona ay nagsilbing mitsa upang
maglunsad din siya ng gera laban kay Aquino sa pag-asang matitipon niya bilang
kakampi ang mga nasusuka na sa yabang at pagiging bully ni Aquino. Makakadagdag ito sa pwersa ng dati nang laban kay
Aquino kaya talagang magpapaigting ito ng labanan ng mga dambuhalang may
kanya-kanyang interes na pinangangalagaan.
Hubaran ng
maskara ng panlilinlang si Aquino!
Bakit si Aquino ang dapat nating tanggalan ng
maskara? Dahil sya ang kasalukuyang Pangulo ng bansa kaya sya ang
pinakamakapangyarihan. Dahil sa araw-araw ay hinehele ang mamamayan ni Aquino sa
retorika at pagsasalamangka ng statistika habang papalala ang ekonomya at
kalagayan ng mamayan.
Ito ang katotohanan:
Si Aquino ay punong kinatawan ng mga panginoong-may-lupa,
kapitalista at iba pang nasa estado poder. Kailanman ay hindi ito gagawa ng
aksyong tunay na para sa mamamayan. Mismong sa bibig ng mga tuta niya lumabas
ang tutoo na galit na galit si Aquino kay Corona dahil sa mga desisyon ng SC na
di naaayon sa gusto ng Palasyo. Pagsuheto kay Corona at babala sa iba pang Justices
ang impeachment.
Bilang Pangulo, si Aquino na ang pinakamakapangyarihang
myembro ng kanyang angkan - ang Conjuangco-Aquino at ng kauri nilang mga
panginoong maylupa. Ginagamit nya ang kanyang poder sa pagpapatalsik kay Corona
matapos na ilabas ng Korte Suprema ang pasya sa pamamahagi ng 6,800 ha.ng
Hacienda Luisita Inc. sa mga magsasaka. Naghahabol ng panahon si Aquino dahil
anim na buwan lamang ang palugit ng Korte upang ipatupad ang desisyon. At sa
ngayon ay mainit na isyu pa ang “just compensation” na nasa Php6 na Bilyon. Gayun din, marami pang hacienda sa buong bansa
ang nakasalang sa SDO (Stock Distribution Option), ang iskema ng panlilinlang sa
mga magsasaka na stock ang ibigay sa halip na lupa.
Ang paghahabol kay Arroyo kasama ng pag-alis kay
Corona ay bahagi ng pakete ng mga buwitre sa Malakanyang upang panatilihin ang
“survey ratings” ni Aquino. Ito ang nanatiling pang-kubli ng administrasyon sa
sarili nitong mga pagkulang sa bayan at mamamayan. Ito din ang sinasakyan ng
mga pulitikong sa ngayon ay nakakapit sa pundilyo ni Aquino.
Ang mabilis na pagsampa ng impeachment na nakakuha
ng 188 boto at pag-amin ng liderato ng mababang kapulungan na minadali ito ayon
sa utos ni Aquino ay pagpapakita ng kanyang kontrol sa Mababang Kapulungan.
Siguradong umandar ang paggamit ng PDAF (pork barrel) at iba pang dagdag na
pondo upang maisagawa ito. Mabilis din itong nalantad sa pagbitiw ng ilang Kongresista
sa mayorya at Liberal Party.
Ang bilis ng aksyon sa impeachment ay siyang
kawalang-aksyon naman nya sa usapin ng dagdag na sahod/sweldo, pagpapatigil ng
demolisyon, pagbasura sa oil deregulation law at pagpaparusa sa mga oil companies
dahil sa overpricing atbp. Ang kontrol ni Aquino sa Kongreso ay lantad rin na sa
ipinasang kontra-mamamayang national budget na batbat ng pagbabawas sa
serbisyong panlipunan.
Ipinakita ni Aquino na kaya nyang konsolidahin at
kontrolin ang tatlong sangay ng pamahalaan – Executive, Legislative at
Judiciary gaya ng ginawa noon ni Arroyo. Sa pagsisimula pa lang ng paglilitis
kay Corona sa Senado, umugong naman ang galaw ni Aquino upang panghimasukan ito
sa pamamagitan ng posibleng pagpapalit ng Senate President.
Sa gitna ng bangayan ng mga nasa poder, ang kawani
at mamamayan ay di dapat manuod at magpatianod na lamang. Wala tayong mapapala
sa tunggaliang ito kung hindi natin itutuloy ang paggigiit para sa ating mga
batayang kahilingan para sa lupa, sahod/sweldo, trabaho at karapatan. Dapat mangibabaw ang dagundong ng ating
panawagan para sa makabuluhang pagbabago sa gitna ng alingasngas na nililikha
ng away na ito.
Hindi tayo dapat malito.
Si Aquino at Arroyo ay walang pinag-iba.